Nagpahayag ng suporta ang ilang grupo ng magsasaka sa panukalang batas na magbabalik sa kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na mamagitan sa rice market upang mapigilan ang hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng bigas at matulungan ang mga magsasaka.

Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, nagpahayag ng suporta ang Federation of Free Farmers (FFF) at Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa panukalang Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act na pangunahing inakda ni dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.

Ayon kay FFF national manager Raul Montemayor, mas matatag umano ang presyo ng bigas bago maipatupad ang Rice Tariffication Law (RTL) noong 2019.

Ipinaliwanag niya na noon ay may kapangyarihan pa ang NFA na malayang magbenta ng rice stocks upang makaapekto sa presyo sa merkado.

Advertisement

“Rice prices were more stable before the enactment of the Rice Tariffication Law,” ani Montemayor.

Dagdag pa niya, ang mga middlemen tulad ng traders, importers, at wholesalers umano ang higit na nakinabang sa umiiral na sistema sa ilalim ng RTL.

Samantala, sinabi naman ni SINAG executive director Jayson Cainglet na dapat palawakin muli ang mandato ng NFA upang makabili ito ng palay mula sa mga magsasaka at makatulong sa pagpapatatag ng presyo.

Ayon kay Cainglet, kapag mababa ang presyo ng palay, dapat makabili ang NFA ng hanggang 10 porsyento ng ani upang makaapekto sa presyo sa merkado at maprotektahan ang mga magsasaka.

Sumang-ayon naman si Romualdez at sinabing kinakailangan na ang agarang aksyon dahil sa patuloy na price instability, pagsisikip sa mga bodega, at paghina ng procurement ng palay.

“There is now a compelling need to restore to the NFA some, two if not all, of its original regulatory and market intervention powers,” ani Romualdez.

Advertisement