Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na sapat ang pondong nakalaan para sa itinaas na presyo ng pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka, na itinakda na ngayon sa ₱30 kada kilo para sa malinis at tuyong palay.

Sa eksklusibong panayam sa Bombo Radyo, sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na may sapat na pondo ang ahensya upang maipatupad ang bagong buying price, kabilang ang magkakahiwalay na presyong itinakda para sa basang palay.

Ayon kay Lacson, may ₱9 bilyong alokasyon sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA), bukod pa sa karagdagang ₱10 bilyong pondong inilaan ng Department of Agriculture (DA) upang suportahan ang programa.

Ipinaliwanag niya na una nang itinakda sa ₱27 kada kilo ang target na presyo ng pagbili, subalit kakaunti ang mga magsasakang nagbebenta sa naturang halaga. Dahil dito, napagpasyahang itaas ito sa ₱30 upang maging mas kapaki-pakinabang at makahikayat ng mas maraming magsasaka.

Advertisement

Dagdag ni Lacson, layunin ng hakbang na matulungan ang mga lokal na prodyuser na makabawi sa kanilang puhunan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing gastusin sa pagsasaka, kabilang ang abono at gasolina.

Gayunman, aminado ang NFA na hindi pa matukoy sa ngayon ang eksaktong dami ng palay na maibebenta at maihahatid ng mga magsasaka sa ahensya sa ilalim ng bagong presyo.

Sa kabila nito, target ng NFA na makabili ng hanggang 500,000 metric tons ng palay upang mapalakas ang pambansang suplay at matiyak ang sapat na buffer stock ng bansa.

Hinikayat din ng ahensya ang mga magsasaka na dalhin ang kanilang mga ani sa mga itinalagang bodega ng NFA upang maisama ang mga ito sa programa ng pambansang pagbili ng palay.

Advertisement