Nanawagan ang ilang medical personnel at empleyado mula sa mga pampublikong ospital sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region para sa masusing imbestigasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa appointments, infrastructure projects, at procurement activities sa ilang ospital sa Northern Luzon.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng ilang source na nagpakilalang doctors, nurses, at administrative personnel, may umiiral umanong “network of influence” sa loob ng Department of Health na nakaaapekto sa pagpili ng ilang opisyal at implementasyon ng ilang proyekto sa mga regional hospital.
Ayon sa mga complainant, nais nilang masuri ang proseso ng pagtalaga ng mga officer-in-charge at medical chief sa ilang ospital, gayundin ang procurement at infrastructure activities sa mga pasilidad.
Binanggit din ng ilang source ang umano’y malaking impluwensya ng ilang opisyal sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program o HFEP at Promotion and Selection Board ng DOH, bagama’t wala pa silang inilalabas na dokumentong sumusuporta sa alegasyon.
Kabilang sa mga nais ipasailalim sa audit at pagsusuri ang ilang proyekto at procurement activities sa Ilocos Regional Medical Center at Baguio General Hospital and Medical Center.
May ilang empleyado rin na nagpahayag ng pangamba sa patuloy na paglalaan ng pondo para sa infrastructure projects sa BGHMC, kabilang ang umano’y P200 milyong pondo sa ilalim ng HFEP.
Hiniling din ng ilang health worker ang pagsasagawa ng financial at administrative audit, pati na rin ng lifestyle checks sa mga opisyal na inuugnay sa mga alegasyon upang malinawan umano ang mga isyung ibinabato laban sa kanila.
Kasama rin sa panawagan ang pagsusuri sa umano’y ugnayan ng ilang opisyal at pamunuan ng iba pang regional hospital sa Northern Luzon kaugnay ng procurement at administrative decisions.
Dahil dito, nanawagan ang ilang complainant kay Benjamin Magalong at sa iba pang kinauukulang ahensya na magsagawa ng independiyenteng imbestigasyon upang matiyak ang transparency at accountability sa mga pampublikong ospital.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang DOH hinggil sa mga alegasyon.














