Negatibo sa gunpowder residue o paraffin test ang mga tauhan ng Philippine Marine Corps na naka-deploy noong insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13, ayon sa Philippine Navy.

Sa isang briefing ngayong Martes, sinabi ni Philippine Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez na batay sa impormasyon mula sa Philippine Marine Corps, walang Marine personnel ang nagpaputok ng kanilang armas sa insidente.

“I learned from the Philippine Marine Corps that none of them fired their weapons,” ani Martinez.

Dagdag pa niya, negatibo rin umano sa paraffin test ang lahat ng mga sundalong naka-deploy sa paligid ng Senado.

Advertisement

“These are indicators that they did not directly participate in the shooting incident,” dagdag niya.

Ang mga Marines ay naka-posisyon sa perimeter ng Senado bilang bahagi ng security at escort deployment sa ilalim ng direktiba ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).

Ayon kay Martinez, wala ring Marine personnel na napatawan ng parusa dahil maayos umano nilang naisagawa ang kanilang mga tungkulin sa araw ng insidente.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na kabuuang 44 fired cartridge cases ang narekober sa crime scene.

Sa bilang na ito, 36 ang natagpuan sa loob ng Senate premises habang walo naman ang nakuha malapit sa GSIS bridgeway.

Batay sa imbestigasyon, apat na baril umano ang sangkot sa palitan ng putok.

Lumabas sa ballistics examination na 26 cartridge cases ang mula sa 9mm pistol na ginamit umano ng suspendidong Senate Sergeant-at-Arms na si Mao Aplasca.

Siyam naman ang mula sa .40-caliber firearm habang apat ang mula sa isa pang 9mm weapon na ginagamit ng dalawa pang tauhan ng OSAA.

Lima namang cartridge cases ang natukoy na mula sa 5.56 rifle na ginamit ng isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

Nauna nang sinabi ng CIDG na inirerekomenda nito ang pagsasampa ng kaso laban kina Aplasca at dalawa pang Senate security personnel dahil sa umano’y paglabag sa Private Security Services Industry Act.

Advertisement