NAGA CITY- Pinangalanan na ang mga biktima na nasangkot sa salpukan ng kotse at van sa Baao, Camarines Sur.

Kung maaalala, nangyari ang aksidente kahapon ng madaling araw kung saan binwaian ng buhay ang dalawa katao habang nagtamo naman ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang ibang mga pasahero nito kasama na ang tatlong menor de edad.

Kinilala ang mga namatay na sina Marlo Tacalan, residente ng Bagumbayan, Ligao City, Albay, driver ng kotse at ang isang pasahero nito na si Ely Bongay, residente naman ng Bacacay sa nasabing lalawigan habang sugatan naman ang isa pang pasahero ng kotse na kinilala namang si Jerome Bongay.

Una rito, mababatid na sugatan din ang driver gayundin ang mga sakay ng van na kinilalang sina Joemar Ofong; Jocelyn Bañez, 46-anyos; Joan Tortola, 36-anyos; Jeneve Pariño, 34-anyos; Gelso Odal, 19-anyos; Leo Mancio; at tatlo pang menor de edad.

Kung maaalala, batay sa naging imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na kinain na ng kotse ang kabilang linya ng kalsada hanggang sa nawalan na ng kontrol ang driver nito na nagresulta sa naturang salpukan ng dalawang behikulo.

Sa ngayon, nagpapagaling na ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital matapos ang nasabing insidente.