Inaasahang makararating ngayong hapon sa Pag-asa Island ang mga youth volunteer ng Atin Ito Coalition na lulan ng MV Kapitan Felix Oca upang maghatid ng suplay para sa mga residente at komunidad sa lugar.

Bago ang inaabangang pagdaong, nagsagawa muna ng iba’t ibang aktibidad ang mga boluntaryo habang nasa biyahe patungong West Philippine Sea.

Kabilang sa mga isinagawang gawain ang isang sunset yoga session sa deck ng barko upang mapanatili ang kanilang pisikal na kondisyon at kahandaan para sa kanilang misyon.

Ayon sa grupo, bahagi lamang ito ng serye ng mga programang inihanda sa loob ng barko na nagsimula pa noong Mayo 1.

Advertisement

Kasabay ng paggunita sa Labor Day, nagsagawa rin sila ng isang programa upang kilalanin at bigyang-pugay ang mga mangingisdang Pilipino at mga frontline workers na patuloy na naglilingkod at nagbabantay sa teritoryo ng bansa.

Nagkaroon din ng film screening na tumatalakay sa isyu ng West Philippine Sea, pati na rin ng rap workshop upang mapalakas ang samahan at kamalayan ng mga kalahok.

Layunin ng Atin Ito Coalition na makapaghatid ng tulong at magpakita ng suporta sa mga komunidad sa Pag-asa Island sa gitna ng patuloy na mga hamon sa nasabing lugar.

Advertisement