Opisyal nang inilantad ng Miss Universe Organization nitong Biyernes ang bagong korona na isusuot ng magwawagi sa ika-75 edisyon ng prestihiyosong beauty pageant.
Tinawag na “The Radiance of an Eternal Legacy,” ipinakita ang bagong korona sa ginanap na pagpupulong ng mga delegado para sa Miss Universe 2026 sa San Juan, Puerto Rico.
Kabilang sa mga dumalo ang pambato ng Pilipinas na si Bea Millan-Windorski.
Gawa sa 18-karat white gold ang korona at pinalamutian ng kabuuang 3,150 diyamante. Dinisenyo ito ng kilalang alahas na si George Wittels katuwang ang Paris-based fine jewelry house na Maison d’OR.
Hango ang disenyo nito sa makasaysayang pamana ng mga naunang Miss Universe titleholders sa loob ng 75 taon, na sumasalamin sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng kompetisyon.
Sa likurang bahagi ng korona ay makikita ang numerong “75” na binuo mula sa mga mamahaling bato. Samantala, tatlong pangunahing diyamante ang tampok sa harapan nito na sumasagisag sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng Miss Universe.
Ang diyamanteng nasa kaliwa ay nagbibigay-pugay sa mga kababaihang nagbukas ng oportunidad at nagbigay-daan sa pagbabago para sa susunod na henerasyon.
Ang nasa kanan naman ay sumisimbolo sa mga kababaihang nagsisilbing inspirasyon at nangunguna sa positibong pagbabago sa kani-kanilang komunidad.
Samantala, ang pinakamahalagang diyamanteng nasa gitna ay kumakatawan sa mga kababaihang magpapatuloy at magdadala ng makabuluhang pamana ng Miss Universe sa mga susunod na taon.
Patuloy namang inaabangan kung sino sa mga kandidata ang unang magsusuot ng bagong korona, habang papalapit ang grand coronation night na nakatakdang idaos sa Nobyembre 24.














