Ipinag-utos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagtanggal sa serbisyo kay Patrolman Joshua Mendoza ng Manila Police District (MPD) matapos mapatunayang guilty sa kasong panggagahasa at grave misconduct.
Ayon sa NAPOLCOM, napatunayan sa desisyon nitong Mayo 4 na si Mendoza ay may conduct unbecoming of a police officer at nagpakita ng tahasang paglabag sa batas at moral na pamantayan ng serbisyo publiko.
Ginamit sa pagdedesisyon ang mga ebidensiya tulad ng testimonya ng saksi, medico-legal findings, CCTV footage, at corroborated testimony ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na lumabag si Mendoza sa Anti-Rape Law of 1997 matapos umano niyang pagsamantalahan ang isang biktimang walang malay at hindi nakapagbigay ng pahintulot.
Samantala, ang isa pang pulis na kasama sa reklamo ay napawalang-sala dahil sa kawalan ng sapat na ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa insidente.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan, walang puwang sa hanay ng pulisya ang ganitong uri ng karahasan at kawalan ng moralidad, at ito ay matinding paglabag sa tiwala ng publiko.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng isang biktimang kinilalang “Anna,” na nagsabing nawalan siya ng malay matapos uminom kasama si Mendoza at ilang kasamahan, at nagising na lamang sa isang motel habang isinasagawa ang pang-aabuso.













