Iniutos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pag-sibak sa serbisyo ng isang pulis sa Maynila matapos mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer kaugnay ng umano’y panggagahasa.
Ayon sa NAPOLCOM, napatunayang responsable si Patrolman Joshua Mendoza at ipinataw sa kanya ang parusang dismissal from service dahil sa paglabag sa batas at kawalan ng moralidad na hindi na umano katanggap-tanggap sa hanay ng kapulisan.
Batay sa desisyong inilabas noong Mayo 4, ginamit sa pagresolba ng kaso ang mga salaysay ng saksi, medico-legal findings, CCTV footage, at testimonya ng complainant na nagpatibay sa reklamo.
Ayon sa komisyon, isinagawa umano ng pulis ang sexual violence laban sa biktimang wala sa ulirat at hindi nakapagbigay ng pahintulot, na malinaw na paglabag sa Anti-Rape Law.
Samantala, pinawalang-sala ng NAPOLCOM ang isa pang pulis na nadawit sa reklamo dahil sa kakulangan ng ebidensya laban dito.
Binigyang-diin ni NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan na walang puwang sa serbisyo ng pulisya ang mga abusado.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng isang babaeng kinilalang “Anna,” na nagsabing nawalan siya ng malay matapos painumin at nagising na lamang sa loob ng motel kung saan siya umano’y ginahasa.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad para sa karagdagang detalye kaugnay ng insidente.














