NAGA CITY – Tinatayang aabot sa mahigit P20,000.00 na kabuoang halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang lalaki sa Barangay Pili, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang suspek na si Christian Alvarez, 36-anyos, residente ng Munting Bayan Brgy. Poblacion 1, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng isang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu kapalit ng P500.00 bilang buy bust money.

Maliban sa buy bust item, nakumpiska rin sa suspek ang 13 pang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu maging ang iba pang mga drug paraphernalia.

Tinataya naman na aabot sa P27,776.00 ang kabuoang halaga ng mga nakumpiska na mga iligal na droga sa suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.