NAGA CITY- Aabot sa P24,000 ang natangay ng isa umanong kinatawan ng isang foundation sa lungsod ng Naga.

Kwento ng isa sa mga biktima na si Ernesto Terbio, may nagpakilala sa kanila ang suspek nagngangalang Rod/Rodger Manalo na isa umanong tauhan ng Manny Pacquiao Foundation.

Inalok umano sila na maging miyembro ng naturang foundation sa pamamagitan ng pagbabayad ng P250 bilang registration fee.

Kapalit naman nito ay makakakuha sila ng nasa P250,000 na halaga ng cash assistance.

Nabatid na aabot sa 96 katao ang nahikayat na sumali sa foundation ngunit matapos maibigay ng mga biktima ang nasa P24,000, hindi na nila ma-contact ang suspek.

Panawagan naman ng mga biktima sa publiko na huwag kaagad magtitiwala sa mga nakikilala lamang at ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung sakaling lapitan rin sila ng nasabing suspek.