Iginiit ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na si Senate President Alan Peter Cayetano ang nararapat na maunang suspendihin kaugnay ng nangyaring insidente ng putukan sa Senado noong nakaraang linggo.

Ayon kay Matibag, kung pagbabatayan ang prinsipyo ng “command responsibility,” ang pinuno ng Senado ang pangunahing dapat managot at mapatawan ng suspensyon dahil sa naganap na insidente.

Ang pahayag ng NBI director ay kaugnay ng panawagan na isailalim din siya sa suspensyon matapos maglabas ang Office of the Ombudsman ng preventive suspension laban kay Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.

Ayon sa Ombudsman, layunin ng suspensyon na mapreserba ang mga posibleng ebidensya na may kaugnayan sa insidente ng putukan.

Advertisement

Gayunman, sinabi ni Matibag na handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon at pananagutan kung mapatutunayang may responsibilidad siya sa nangyari.

Sa kabila nito, sinabi niyang ipinauubaya na lamang niya sa Department of Justice (DOJ) ang pagsisiyasat sa insidente.

Partikular niyang binanggit ang binuong Special Panel of Prosecutors ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tututok sa pag-iimbestiga sa nangyaring putukan.

Mariin ding pinabulaanan ni Matibag ang mga ulat na umano’y “under attack” ang Senado nang mangyari ang insidente.

Advertisement