Kakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng human trafficking ang dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor kaugnay ng sinalakay na KTV bar at hotel sa Pasig City noong nakaraang linggo.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, isasama si Defensor bilang respondent sa mga kasong ihahain sa susunod na linggo sa Inter-Agency Council Against Trafficking sa Department of Justice (DOJ).
Batay sa imbestigasyon, lumabas umano na may direktang koneksyon ang dating kongresista sa establisyementong sinalakay, kung saan nasagip ang 54 kababaihang sinasabing biktima ng sexual exploitation.
Sinabi rin ng NBI na ang naturang property ay 99% pag-aari ng gobyerno sa ilalim ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), ngunit inupahan ito ng isang kumpanya na sinasabing may kaugnayan kay Defensor.
Ayon pa sa ahensya, humigit-kumulang 75% ng naturang kumpanya ay pag-aari umano ng dating mambabatas, at may kaugnayan din sa iba pang kompanyang naka-link sa kanyang pamilya.
Nauna nang sinampahan ng reklamo sa Pasig City Prosecutor’s Office ang asawa niyang si Julie at anak na si Miguel Defensor kaugnay ng umano’y sex exploitation sa parehong establisyemento.














