Sinusuri na ng National Bureau of Investigation ang pahayag ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at posibleng mag-isyu ng subpoena habang iniimbestigahan ang insidente, ayon sa NBI.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, tinitingnan ng ahensya kung kinakailangan ang mas malalim na imbestigasyon kaugnay ng naging pahayag ni Duterte, na posibleng may implikasyon sa seguridad ng Pangulo.
Giit ni Matibag, bilang bahagi ng kanilang mandato, mahalaga ang pagbabantay sa kaligtasan ng Pangulo at hindi nila palalampasin kung may banta o seryosong isyu na kailangang linawin.
Dagdag pa niya, kung aabot sa ganitong antas ang kaso, hindi sila magdadalawang-isip na magpadala ng subpoena upang personal na magpaliwanag si Duterte.
Napansin din umano ng opisyal ang pattern ng mga naunang pahayag mula sa pamilya Duterte, kabilang ang naging kontrobersyal na pahayag noon ni Vice President Sara Duterte noong 2024, na kalaunan ay sinabing na-misinterpret lamang.
Samantala, sa naunang pahayag ni Mayor Baste Duterte, sinabi niyang “isang ulo lang” ang kailangan nila, na tinukoy ang Pangulo, na agad namang umani ng atensyon at kontrobersiya.
Patuloy na inaalam ng NBI ang kabuuang konteksto ng mga pahayag habang hinihintay ang susunod na hakbang ng imbestigasyon.













