Naka-high alert na ang Naga City Police Office (NCPO) bilang paghahanda sa nalalapit na plebisito sa lungsod upang matiyak ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Lieutenant Colonel Joedan M. Loteriña ng NCPO, sinabi nito na batay sa naunang abiso, nakahanda na ang deployment ng mga tauhan, kabilang ang karagdagang puwersang ipapadala mula sa Regional Office.
Tiniyak din ng pulisya na mananatili sa 530 ang bilang ng mga personnel na itatalaga sa seguridad at wala pang pagbabago sa naunang plano ng deployment.
Bukod sa mga tauhan, kabilang din sa mga inihahandang kagamitan ang mga mobility asset at specialized unit upang matiyak ang sapat na puwersa at kakayahan sa pagpapatupad ng seguridad.
Ipinaliwanag din nito na magiging katulad ng security preparations noong panahon ng halalan ang magiging deployment setup, ngunit magkakaroon pa ng karagdagang puwersa mula sa Regional Office.
Sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ng tanggapan ang opisyal na kumpirmasyon mula sa Regional Office kaugnay ng pagpapadala ng karagdagang mga tauhan.
Dagdag pa niya, kapag dumating na ang mga ito, saka tutukuyin ng pamunuan kung saang mga pangunahing lugar sila itatalaga upang matiyak ang maayos at epektibong paggamit ng mga magagamit na resources.














