Ibinaba ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao, mula sa naunang 78 fatalities ay naging 76 na lamang.
Sa inilabas na situation report ng NDRRMC ngayong Biyernes, Hunyo 19, sinabi ng ahensya na isinagawa ang patuloy na validation sa casualty data kaya nagkaroon ng pagbabago sa naitalang bilang ng mga namatay.
Samantala, tumaas naman sa 32 ang bilang ng mga indibidwal na patuloy na hinahanap mahigit isang linggo matapos tumama ang malakas na pagyanig. Patuloy ang operasyon ng search and rescue teams upang matukoy ang kinaroroonan ng mga nawawala.
Nananatili ring malaki ang epekto ng lindol sa Mindanao, kung saan mahigit 1.45 milyong indibidwal ang apektado. Sa kasalukuyan, mahigit 84,000 katao ang nananatiling displaced, kabilang ang mahigit 21,000 indibidwal na pansamantalang nanunuluyan sa 46 evacuation centers at mahigit 63,000 katao naman ang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Samantala, umabot na sa tinatayang P1.35 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura dulot ng lindol. Patuloy naman ang relief operations ng pamahalaan upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa mga awtoridad, walong bansa na rin ang nagpahayag ng kahandaang magbigay ng international humanitarian assistance upang suportahan ang patuloy na relief at recovery efforts para sa mga nasalanta.














