Patuloy na binabantayan ng Camarines Norte Provincial Cyber Response Team ang mga insidente ng online job scams sa lalawigan, kasabay ng panawagan sa publiko, partikular sa mga naghahanap ng trabaho, na maging mapanuri at huwag basta-basta magtiwala sa mga alok na nakikita sa internet.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki PSSG. Ada Yaba, Focal Person, Camarines Norte Provincial Cyber Response Team, nagbabala ito sa publiko laban sa online job scams na patuloy na ginagamit ng mga manloloko upang makapambiktima ng mga naghahanap ng trabaho.
Kabilang sa mga karaniwang modus ang task scams na nangangakong magbibigay ng malaking kita kapalit ng paunang deposito, paniningil ng processing fee bago makapasok sa trabaho, at pekeng recruitment na humihingi ng personal na impormasyon, identification cards at pera.
Ilan din sa mga dapat bantayang red flags ang pangakong napakalaking sahod, kawalan ng maayos na job interview, kahina-hinalang social media accounts at websites, at paghingi ng password, one-time password o OTP at paunang bayad.
Pinayuhan naman ni Yaba ang mga nabiktima ng online job scam na agad na magtago ng mga digital na ebidensya, kabilang ang URL ng website o account, screenshots ng kanilang pag-uusap, transaction receipts, payment details, account numbers at cellphone numbers na ginamit ng mga suspek.
Maaari aniyang dalhin ang mga naturang ebidensya sa kinauukulang police cyber response unit upang makatulong sa pagsasagawa ng imbestigasyon at kaukulang legal na proseso.
Muling iginiit ng opisyal ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa paggamit ng internet, partikular sa mga online job opportunities, at huwag basta-basta magbibigay ng personal na impormasyon o magpapadala ng pera sa mga hindi kilalang indibidwal.
Paalala ni Yaba sa publiko na, “Think before you click,”.








