NAGA CITY- Kumpiskado ang nasa P240-K na halaga ng iligal na droga sa isinagawang buy bust operation sa Purok Villaverde, Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City.

Kinilala ang suspek na si alyas Jugs o Yapi, 44-anyos, residente ng Purok Little Baguio 1, Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na naaktuhan ng mga otoridad ang suspek na nagbebenta ng iligal na droga matapos na makabili dito ang poseur buyer ng isang heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu sa halagang P11-K.

Maliban sa buybust item nakumpiska pa sa suspek ang isang Armscor 202 caliber .38 SPL revolver firearm na mayroong tatlong live ammunitions.

Samantala, tinatayang mayroong bigat na 11.8 grams ang nakumpiska na iligal na droga at nagkakahalagang nasa P240,720.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.