NAGA CITY- Patay ang isang padre de pamilya matapos na ma-hit and run sa kahabaan ng Maharlika highway, ng Brgy Sampaloc 2, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Vivencio Llames Jr., 51-anyos residente ng Brgy Ogod, Donsol, Sorsogon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na habang tumatawid sa kalsada ang biktima ng aksidente itong mabundol ng hindi pa nalalamang uri ng sasakyan.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Samantala , agad namang tumakas ang suspek matapos ang naturang aksidente.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.