Nasawi sa lugar ang isang 18-anyos na babaeng college student matapos mabangga ng isang ambulansya ang sinasakyan niyang motorsiklo habang nag-counterflow ito sa Cebu City nitong Martes ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang biktima bilang angkas ng kaniyang 19-anyos na lalaking kaklase nang mangyari ang insidente sa Archbishop Reyes Avenue Flyover sa Barangay Luz. Kapwa sila mechanical engineering students.
Bigla umanong tumawid sa kabilang lane ang isang nagmamadaling ambulansya at nag-counterflow, dahilan upang mabangga ang motorsiklong sinasakyan ng mga estudyante.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang babaeng angkas na agad ikinamatay nito. Kritikal naman ang kondisyon ng drayber ng motorsiklo na agad dinala sa ospital.
Napag-alaman na ang sangkot na sasakyan ay ambulansya ng Barangay Apas Emergency Response Team.
Sa isang pahayag, humiling ng panalangin ang University of San Carlos para sa biktima, kaniyang pamilya, at sa sugatang estudyante.
Samantala, binigyang-diin ng grupong Cebu Road Heroes ang kahalagahan ng mas mahigpit na road safety measures at disiplina sa pagmamaneho, lalo na sa mga emergency vehicle.
Ayon sa kanila, kinakailangan pa ring sundin ng mga ambulansya at iba pang emergency responders ang umiiral na safety protocols kahit nagmamadali.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang drayber ng ambulansya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Posible siyang maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury, at damage to property.














