Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng makaranas ang Pilipinas ng malalakas na bagyo mula Hunyo hanggang Agosto, kaya’t pinaghahanda na ang publiko sa mga posibleng epekto ng mga ito.

Ayon sa PAGASA, maaaring mabuo ang mga malalakas na weather system sa pagsasanib ng habagat at tinatawag na Super El Niño, na posibleng magdulot ng matinding pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng bansa.

Batay sa pag-aaral ng ahensya, umaabot umano sa 92% ang posibilidad ng ganitong kombinasyon ng mga weather pattern, ayon kay Ana Solmoro-Solis, hepe ng Climate Monitoring and Prediction Section (CLIMPS) ng PAGASA.

Sinabi ng state weather bureau na maaaring lumala ang epekto ng habagat sa western section ng bansa kapag tumapat ito sa simula ng tag-ulan.

Advertisement

Dagdag pa ng PAGASA, kahit kaunti lamang ang mabubuong bagyo sa panahong ito, posible namang maging malalakas ang mga ito na magdudulot ng matinding ulan, malalakas na hangin, o pabugso-bugsong pag-ulan na may kasamang hangin.

Nitong mga nakaraang linggo, ilang lugar na sa bansa ang agad binaha kahit thunderstorm lamang ang nararanasan.

Dahil dito, pinapaalalahanan ang mga residente sa mga flood-prone areas na maghanda, lalo na’t nananatili pa rin ang mga isyu sa flood control projects sa ilang bahagi ng bansa.

Advertisement