Pinawalang-bisa ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang humigit-kumulang P310 milyong panalo ng ilang opisyal at empleyado ng gobyerno sa mga casino noong 2025, ayon kay Chairperson Alejandro Tengco.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Tengco na ang mga sangkot ay mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang mga empleyado ng local government units.

Ayon sa kanya, marami sa mga ito ang nagreklamo at iginiit na karapatan nila ang kanilang napanalunan. Gayunman, nilinaw ni Tengco na malinaw ang batas na nagbabawal sa mga empleyado ng gobyerno na magsugal sa mga casino.

Nakasaad sa Presidential Decree No. 1869 o PAGCOR Charter, gayundin sa Memorandum Circular No. 6, series of 2016, na hindi pinahihintulutang lumahok sa casino gambling ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan.

Advertisement

Dagdag pa ni Tengco, ipinapaalam din ng PAGCOR sa kani-kanilang ahensya ang mga lumalabag, kabilang ang pagkumpiska sa kanilang panalo dahil sa hindi nararapat na pagpasok sa mga gaming venue.

Ginawa ni Tengco ang pahayag kasabay ng paglagda ng kasunduan sa Department of Justice (DOJ) para sa pagbabahagi ng impormasyon ng mga empleyado, na layong mapigilan ang pagpasok ng mga ito sa mga casino.

Ang hakbang ay kasunod ng mga ulat na ginagamit umano ang mga casino bilang lugar para sa money laundering ng mga suhol o kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno.

Dagdag pa ni Tengco, may iba pang mga opisyal ng pamahalaan na nakipag-ugnayan na sa PAGCOR upang talakayin kung paano sila makatutulong sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa kanilang mga empleyado.

Advertisement