Photo © web

Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng pagbaba sa bilang ng mga lumalabag sa mga ordinansa, indikasyon ng tumataas na pagsunod ng publiko sa ipinatutupad na “Safer Cities Initiative.”

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., malaking bahagi ng pagbaba ng bilang ay dahil sa kooperasyon ng publiko, na unti-unti umanong lumilipat mula sa takot sa pag-aresto tungo sa kultura ng pagsunod sa batas.

Ipinakita sa datos ng PNP na bumaba sa 6,514 ang bilang ng mga violator noong Abril 19 mula sa pinakamataas na 13,139 na naitala noong Abril 7. Sa unang dalawang linggo ng implementasyon, umabot sa mahigit 119,000 ang kabuuang bilang ng mga naitalang paglabag.

Pinakamarami sa mga kaso ang pag-inom sa pampublikong lugar na umabot sa 35,394, sinundan ng paglabag sa curfew ng mga menor de edad na nasa 9,214, topless loitering na may 7,755 kaso, at paglabag sa oras ng karaoke lampas alas-10 ng gabi na may 1,867 kaso.

Advertisement

Inilunsad noong Abril 6 ang “Safer Cities Initiative” na naglalayong higpitan ang pagbabantay laban sa mga paglabag tulad ng public drinking, paglalagalag nang walang suot sa itaas na bahagi ng katawan, late-night karaoke, at curfew ng mga menor de edad upang mapigilan ang krimen sa lansangan.

Samantala, hinikayat naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng mga ordinansa upang suportahan ang naturang programa at matiyak ang maayos at pare-parehong pagpapatupad nito.

Advertisement