Nilinaw ng Malacañang na walang oil crisis sa Pilipinas sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo, at iginiit na “price disruption” lamang ang nararanasan dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na sapat ang suplay ng langis sa bansa, taliwas sa pangamba ng ilan na may krisis na sa sektor ng enerhiya.
Batay aniya sa pahayag ni Sharon Garin, may dalawang uri ng krisis—sa suplay at sa presyo. Sa kasalukuyan, wala umanong problema sa suplay ngunit may paggalaw sa presyo bunsod ng sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Tiniyak naman ng Department of Energy na may sapat na imbentaryo ng langis ang bansa, at ang kasalukuyang suplay kasama ang mga darating na shipment ay inaasahang tatagal ng hanggang 50 araw.
Gayunpaman, aminado ang pamahalaan na patuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo na nakaapekto sa mga motorista at negosyante, kung saan nagkaroon ng double-digit price hikes simula ikalawang linggo ng Marso.
Bilang tugon, sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent ang panukalang magbibigay sa kanya ng kapangyarihang bawasan o suspindihin ang excise tax sa langis upang maibsan ang epekto nito sa transport sector.
Sinabi rin ng Pangulo na pinag-aaralan ng pamahalaan ang paghahanap ng alternatibong pinagkukunan ng langis upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay sa gitna ng pandaigdigang krisis.














