NAGA CITY- Nag-uumapaw ngayon ang kasiyahan ng pamilya ni dating senadora Leila De Lima matapos na makalaya ang dating opisyal matapos ang halos 7 taon na pagkaka-kulong.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Vicente “Vicboy” De Lima, kapatid ng dating senadora, sinabi nito na masayang-masaya ang kanilang pamilya na pinayagan na ng Muntinlupa Court na makapagpiyansa at pansamantalang makalaya ang dating senadora.

Nagpapasalamat rin si Vicboy sa mga Pilipino na sumusuporta at naniniwala sa pagiging inosente ng kaniyang kapatid.

Aniya, malaking tulong ang patuloy na coverage ng media sa kaso ng dating senadora dahil napapanatili nito ang katotohonan sa kanyang huli at natitirang kaso. Ang katotohanan aniya ang magpapawalang-sala sa kanyang kapatid.

Matatandaan na pinawalang-sala na si dating senadora Leila De Lima sa una nitong dalawang kaso at karamihan sa mga testigo sa natitira nitong kaso ay binawi ang kanilang mga testimonya.

Ayon pa kay Vicboy, napakatagal na nabilanggo ang kanyang kapatid kahit na para sa kanya ito ay inosente. Hindi rin daw dapat tinanggap ng korte ang testimonya ng ibang mga testigo dahil ang mga ito ay convicted heinous criminals.

Samantala, ang unang gagawin umano ng dating senadora ngayon na nakalaya ito ay bisitahin ang kanilang nanay na nasa San Agustin, Iriga City.

Matatandaan na huling nakita ng senadora ang kanyang ina noong August 2019 ng binigyan ito ng court furlough na bisitahin ang kanyang ina ng ito ay magkaroon ng malubhang sakit.