Iinaasahan ang pagdating ng pamilya Villar at iba pang respondents sa Department of Justice (DOJ) ngayong Lunes, Abril 20, para sa isasagawang preliminary investigation kaugnay ng reklamong isinampa ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa kanila.

Nakatakdang simulan ng panel of prosecutors alas-dos ng hapon ang pagdinig, kung saan personal na panunumpain ang mga respondents sa kanilang mga inihain na kontra-salaysay.

Ito ay matapos pagbigyan ng prosekusyon ang kahilingan ng mga respondents na magkaroon ng karagdagang panahon upang maihanda at maisumite ang kanilang depensa.

Ang reklamo ng SEC ay may kaugnayan sa umano’y market manipulation, insider trading, at misleading disclosures na isinampa laban sa pamilya Villar at sa kanilang kumpanyang Villar Land Holdings Corporation.

Advertisement

Kabilang sa mga pinangalanang respondents sina dating senador Manuel Villar Jr., Cynthia Villar, Cynthia Javarez, Senador Camille Villar, Senador Mark Villar, at iba pa.

Ayon sa DOJ, inatasan ang mga respondents na personal na manumpa sa kanilang mga kontra-salaysay sa mismong kagawaran o sa harap ng panel ng prosekusyon.

Ipinaliwanag ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na kinakailangang sundin ng mga respondents ang direktiba ng piskal na humahawak sa kaso.

Binigyang-diin din na kung sa ibang lugar manunumpa ang mga ito, maaaring ituring itong ‘non-submission’ at kailanganin pang ulitin ang panunumpa sa DOJ.

Ang naturang pagdinig ay bahagi ng proseso upang matukoy kung may sapat na basehan ang mga reklamo upang umusad sa pagsasampa ng pormal na kaso.

Advertisement