Nagpatupad ng limang araw na pagbabawal sa mga kilos-protesta ang kapulisan sa Paris, France, sa mga lugar na malapit sa piling paaralan at unibersidad dahil sa nagpapatuloy na malawakang demonstrasyon sa bansa.

Saklaw ng pagbabawal mula Nobyembre 16 hanggang 20 ang mga lugar sa loob ng 100 metrong radius mula sa 10 secondary schools at limang unibersidad.

Ayon kay Paris Police Chief Patrice Faure, layunin ng hakbang na maiwasan ang mga kaguluhan, pagbabara sa paligid ng mga paaralan at patuloy na karahasang iniuugnay sa mga protesta.

Samantala, walong alkalde mula sa iba’t ibang distrito ng Paris ang nakipag-ugnayan sa regional education office upang hilingin ang karagdagang seguridad sa mga paaralang naapektuhan ng mga demonstrasyon.

Advertisement

Naitala naman ang nasa 106,000 kataong lumahok sa protesta nitong Sabado. Ito na ang ikalimang sunod na Sabado ng malawakang pagkilos mula Oktubre, kung saan isinusulong ng mga demonstrador ang mas maayos na kalidad at kondisyon ng edukasyon sa France.

Advertisement