Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagpapalabas ng P5,000 fuel subsidy para sa mga driver ng pampublikong transportasyon na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Ralph Recto, Executive Secretary, tinalakay nila ito sa pulong kasama ang mga alkalde ng Metro Manila upang matiyak ang mabilis na distribusyon ng subsidiya. Inaasahang ipapamahagi ang tulong sa susunod na linggo.
Sinabi ni Recto na mahalaga ang koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan dahil sila ang mas nakaaalam sa aktuwal na bilang ng mga tricycle at jeepney driver sa kani-kanilang lungsod.
Dagdag niya, sa pamamagitan ng maayos na ugnayan at sabayang pagkilos ng pamahalaan at mga lokal na opisyal, mas mabilis na maipararating ang tulong sa mga driver na nangangailangan.
Ang fuel subsidy ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa gitna ng lumalalang tensyon sa Middle East na nakaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.














