Photo © web

Ipinahayag ng Malacañang na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad maipatupad ang panukalang magbabawas ng excise tax sa langis upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi pa nalalagdaan ng Pangulo ang panukala dahil hindi pa ito nakararating sa kanyang tanggapan. Gayunman, tiniyak niyang handa itong lagdaan at ipatupad kaagad kapag natanggap na.

Aniya, kasunod ng paglagda ay maglalabas agad ng kautusan ang Pangulo upang bawasan o pansamantalang suspindihin ang excise tax sa langis.

Naipasa na ng Kongreso ang panukala matapos itong sertipikahan bilang urgent ng Pangulo, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Advertisement

Gayunpaman, ipinaliwanag ng Palasyo na may mga kundisyon sa pagpapatupad ng naturang hakbang, kabilang ang pag-akyat ng presyo ng langis sa higit $80 kada bariles sa loob ng hindi bababa sa 30 araw.

Sa kasalukuyan, umabot na sa pagitan ng P80 hanggang P100 kada litro ang presyo ng langis sa bansa, bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Bilang tugon, patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda, kabilang ang P5,000 cash assistance para sa mga public utility driver, na ipamamahagi pa sa mga susunod na araw sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development.

Sinabi rin ng Palasyo na layunin ng mga hakbang na ito na mapagaan ang epekto ng krisis sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at transportasyon sa bansa.

Advertisement