Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga proyekto sa Camarines Sur na layong palakasin ang ani, bawasan ang gastusin sa kuryente, at tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa mga magsasaka, kabilang ang solar-powered irrigation at cold storage facilities.

Sa naging pahayag ng Pangulo, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga pasilidad upang mabawasan ang nasasayang na produkto at mapangalagaan ang kabuhayan ng mga magsasaka lalo na sa nalalapit na tagtuyot o El Niño. Ayon sa kanya, bahagi ito ng mas malawak na programa sa modernisasyon ng agrikultura gamit ang renewable energy para sa mas episyenteng produksyon at food security.

Pinangunahan ni PBBM ang inspeksyon sa mga proyekto ng San Agustin–San Ramon Agrarian Reform Farmers Cooperative at MASSBA Multi-Purpose Cooperative sa Minalabac, kung saan nakatulong ang solar-powered irrigation system sa mas efficient at mabilis na patubig at pagbawas sa buwanang gastusin ng mga kooperatiba. Kasama rin sa pagbisita ang mga opisyal mula sa National Irrigation Administration, Department of Agriculture, lokal na pamahalaan, at iba pang kinatawan ng Bicol region.

Bilang bahagi rin ng flagship agricultural initiatives sa Bicol, binisita rin ng Pangulo ang food processing at cold storage facilities sa Camarines Sur Food Complex, kung saan itinampok ang mga lokal na produkto na maaaring maihain bilang world-class delicacies, at nagbigay ng malaking benepisyo sa kabuhayan ng higit 204,000 magsasaka sa buong rehiyon.

Advertisement

Sa huling bahagi ng pagbisita, nakipag-ugnayan si PBBM sa mga lokal na magsasaka upang marinig ang kanilang mga karanasan at pangangailangan, at tiniyak niya ang patuloy na suporta ng pamahalaan para sa sektor ng agrikultura sa Bicol region.

Advertisement