Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga bagong graduate ng Philippine Military Academy (PMA) na umiwas sa pulitika at manatiling tapat sa bansa, sa halip na sa sinumang indibidwal o interes sa politika, sa graduation rites sa Baguio City ngayong Sabado.
Sa kanyang talumpati sa PMA “Talang Dangal” Class of 2026 sa Fort General Gregorio H. del Pilar, binigyang-diin ng Pangulo na ang tunay na katapatan ng mga sundalo ay dapat para sa Republika ng Pilipinas.
Paalala niya, habang mahalaga ang kakayahan sa modernong pakikidigma, mas mahalaga pa rin ang disiplina, integridad, at karangalan sa paglilingkod. Ayon kay Marcos, dapat marunong ding kumilala ang mga sundalo ng tama at mali upang makapagdesisyon nang maayos sa gitna ng mga hamon.
Ang panawagan ng Pangulo ay kasunod ng mga pahayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na nanawagan sa kapwa alumni ng PMA na ipagtanggol ang soberanya ng bansa kaugnay ng isyu ng International Criminal Court (ICC) warrant laban sa kanya.
Samantala, 207 kadete ang nagtapos ngayong taon, kung saan 65 ang babae at 142 ang lalaki. Nanguna sa klase si Cadet First Class Christine Kaye Librada mula Batangas, at apat pang babae ang nakapasok sa Top 10.
Muling iginiit ni Marcos ang Honor Code ng PMA—“Never lie, never cheat, never steal, and never tolerate those who do”—at binigyang-diin na ang pananahimik sa harap ng maling gawain ay itinuturing ding pagtataksil sa bansa at sa mga sinumpaang tungkulin ng mga sundalo.













