Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamamahagi ng bigas sa Lungsod ng Maynila bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan sa presyo ng pagkain at kabuhayan ng publiko.
Sa aktibidad na “Biyayang Bigas Para sa Maynila,” personal na iniabot ng Pangulo ang mga sako ng bigas sa mga benepisyaryo at saglit pang binuhat ang isang sako na tila nagpapakita ng bigat nito.
Layunin ng programa na makapagbigay ng agarang tulong sa pagkain sa humigit-kumulang 80,000 pamilya sa Maynila, partikular sa mga apektado ng kasalukuyang hamon sa ekonomiya.
Ayon sa pamahalaan, makatutulong ang naturang tulong upang mabawasan ang gastusin ng mga pamilya at magbigay ng anim na buwang relief sa mga manggagawa sa transportasyon at serbisyo na kabilang sa mga pinakaapektado ng pagtaas ng presyo.
Ang programa ay may pondong aabot sa P286 milyon na inilabas ng Office of the President at ibinigay sa lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamamagitan ng Financial Assistance to Local Government Units (FALGU).
Ang Department of Environment and Public Services (DEPS) ang namamahala sa imbakan at transportasyon ng bigas, habang ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang nanguna sa distribusyon sa mga miyembro ng TODA at JODA.
Tinutulungan naman ng Bureau of Permits ang pagtukoy at pamamahagi sa iba pang benepisyaryo mula sa sektor ng serbisyo at mga manggagawa.














