Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsuspinde ng klase sa lahat na antas ng mga apektadong lugar sa Mindanao matapos itong yanigin ng magnitude 7.8 na lindol.

Sa isang Facebook post, binigyang-diin ng pangulo na dapat unahin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa gitna ng pagsisimula ng pasukan ngayong Lunes, Hunyo 8.

Nakatakda ang balik-eskwela para sa taong panuruan 2026-2027 ngayong araw sa mga paaralang nasa ilalim ng Kagawaran ng Edukasyon.

Kaugnay nito, iniatang na rin umano ni Marcos ang kapangyarihan sa nasabing ahensiya upang makipag-ugnayan sa mga lokal na gobyerno sa Mindanao hinggil sa pagpapatupad ng nasabing suspensyon hanggang “further notice.”

Advertisement

Samantala, inatasan na rin ng punong ehektubo ang ilang ahensiya ng pamahalaan upang kumilos kaugnay ng malakas na paglindol na nakaapekto sa malawak na bahagi ng Mindanao.

Sa parehong pahayag, inilahad niya na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang makibalita at rumesponde sa mga naapektuhan na lugar.

Naihanda na rin umano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pamimigay ng relief goods, maging ang mga gagamiting evcuation center upang manatili itong operasyonal.

Naatasan naman ang Department of Public Works and Highways (DWSD) na siyasatin ang mga sira sa kalsada, tulay, at iba pang kritikal na imprastraktura. Kabilang din sa mandato nito ang siguruhing makakaraan agad ang mga naatasang maglapat ng relief at rescue operations.

Inaasahan namang magkakaroon pa ng karagdagang balita tungkol sa sitwasyon sa mga susunod na oras.

Advertisement