Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bayan na may sapat na suplay ng langis ang Pilipinas sa loob ng 51 araw, habang patuloy ang pamahalaan sa hakbang na mapanatili ang imbentaryo ng fuel sa gitna ng tensiyon sa Middle East.
Ayon sa pangulo, umorder na ang Philippine National Oil Company–Exploration Corporation (PNOC-EC) ng 1.04 milyong bariles ng diesel, kung saan 142,000 bariles ang naideliver ngayong linggo at ang natitira ay inaasahang darating sa buwan ng Abril.
Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng P20 bilyon para makabili ng karagdagang hanggang dalawang milyong bariles ng langis, na makakadagdag ng sampung araw sa buffer stock ng bansa. Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na sapat ang suplay ng krudo hanggang Hunyo 30 ngayong taon.
Pansamantalang sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) simula Marso 26 upang makontrol ang presyo ng kuryente at maiwasan ang biglaang pagtaas nito. Layunin ng hakbang na ito na bigyang-diin ang mas murang energy sources, tulad ng renewable energy, at panatilihing abot-kaya ang kuryente para sa publiko.
Tiniyak din ng pangulo na patuloy ang tulong ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon at sa mga commuter. Kabilang dito ang 50 porsiyentong diskwento sa pasahe sa LRT-2 at MRT-3, programang “Libreng Sakay” sa mga pangunahing lungsod, at pansamantalang diskwento sa toll para sa pampublikong sasakyan. Naglaan ang gobyerno ng P2.5 bilyon para sa fuel subsidy ng mahigit 1.4 milyong driver at operator, habang higit 256,000 transport workers sa Metro Manila ang nakatanggap na ng P5,000 ayuda. May karagdagang P1.28 bilyon na ipamamahagi simula Abril 6, 2026.
Layunin ng mga hakbang na ito na mapanatili ang katatagan ng suplay ng enerhiya at mabawasan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya at sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Dagdag pa ni Pangulong Marcos, isasagawa rin ang nationwide distribution ng karagdagang pondo upang mas marami pang benepisyaryo ang matulungan.














