Magdedeploy ng mga barko at eroplano ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos matukoy ang apat na Chinese research vessels na umano’y nagsasagawa ng ilegal na marine scientific research sa loob at malapit sa katubigan ng bansa, ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.

Ayon sa PCG, ang presensya ng mga naturang barko ay paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) dahil wala umanong pahintulot mula sa pamahalaan ng Pilipinas.

Kabilang sa mino-monitor ng ahensya ang mga barkong Xiayanghong 33, Shi Yan 1, Jia Geng, at Zhuhaiyun, na may kakayahang magsagawa ng deep-sea at advanced oceanographic research gamit ang high-tech equipment, sensors, at unmanned vehicles.

Namataan ang mga nasabing sasakyang-dagat sa iba’t ibang lokasyon malapit sa mga katubigan ng Palawan, Batanes, at Pangasinan.

Advertisement

Sinabi ng PCG na patuloy nilang babantayan ang galaw ng mga barko alinsunod sa Philippine at international maritime laws.

Giit ni Gavan, hindi kukunsintihin ng ahensya ang anumang ilegal na marine research sa loob ng sakop ng bansa at gagamit sila ng mga barko at aircraft upang harangin at paalisin ang mga hindi awtorisadong sasakyang-dagat bilang bahagi ng pagpapatupad ng soberanya ng Pilipinas.

Advertisement