Naghain ng rekomendasyon ang Presidential Communications Office (PCO) sa Department of Justice upang sampahan ng kaso ang tatlong Facebook account na umano’y nagpakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa PCO, sa pamamagitan ng Anti-Fake News Desk nito, iniendorso na sa DOJ ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga account na “Iloy Bugris: The Queen of Revelations,” “Rigondola Ping,” at “Crage Anderpal.”
Inakusahan ang “Iloy Bugris: The Queen of Revelations” na nagsagawa ng live broadcast kung saan maling ipinahayag na malubha ang kalagayan ng pangulo. Bukod dito, sinasabing humingi pa umano ito ng donasyon mula sa mga manonood sa pamamagitan ng Cash at BPI account details. Ipinakita rin umano sa isang broadcast ang isang pekeng medical document.
Samantala, iniulat na ang account na “Rigondola Ping” ay nagbahagi ng mga minanipulang larawan na nagpapakitang nasa masamang kondisyon ang pangulo, habang ang “Crage Anderpal” naman ay naglabas umano ng pekeng news graphic na nagsasabing kumpirmado ang malubhang karamdaman ng pangulo.
Iginiit ng PCO na ang sinadyang paggawa at pagpapakalat ng maling impormasyon, lalo na sa gitna ng umiiral na State of National Energy Emergency sa ilalim ng Executive Order No. 110, ay maaaring lumabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, na may mas mabigat na parusa kapag ginawa online sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa panig ng administrator ng “Iloy Bugris,” ipinagtanggol nito ang mga inilabas na pahayag at sinabing bahagi umano ito ng transparency at karapatan ng publiko sa isang demokratikong sistema. Aniya, ang kanilang mga opinyon at pagsusuri ay hindi “fake news” kundi batay umano sa “reliable sources at dokumento.”
Binatikos din nito ang mga hakbang laban sa kanilang account, iginiit na hindi sila dapat patahimikin.
Samantala, patuloy pang hinihintay ang pahayag ng mga nasa likod ng “Rigondola Ping” at “Crage Anderpal.”
Nauna nang lumagda sa isang memorandum of agreement ang PCO, DOJ, at Department of Information and Communications Technology upang palakasin ang koordinasyon laban sa disinformation, kabilang ang deepfakes at iba pang manipuladong digital na nilalaman.













