Pinag-aaralan ng mga awtoridad ang posibleng pagpapalawak ng Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng Mayon Volcano mula 6 kilometro hanggang 7 kilometro matapos ang pagtaas ng aktibidad nito nitong Sabado, ayon sa mga ulat.

Ayon sa ulat, labis na naapektuhan ng makapal na ashfall ang ilang komunidad sa Albay, partikular sa Guinobatan at Camalig, kung saan nag-alisan ang ilang residente at maging mga turista dahil sa banta ng pinsala.

Sa Barangay Ilawod, Guinobatan, nagmamadaling nilinis ng mga residente ang makapal na abo sa bubong at kalsada dahil sa pangambang bumigat ito at magdulot ng pagguho ng mga bubong. Sa Camalig naman, napilitang lumikas ang ilang hotel guests at manggagawa dahil sa matinding pagbuga ng abo.

Ayon sa mga lokal na opisyal, halos zero visibility ang ilang lugar at natabunan ang mga sasakyan, pananim, at alagang hayop. Naapektuhan din ang suplay ng tubig, na nagresulta sa rationing habang inaayos ang mga nasirang linya.

Advertisement

Malaki rin ang pinsala sa agrikultura kung saan nalibing sa abo ang mga pananim na palay at gulay ilang araw bago ang inaasahang anihan. May mga ulat din ng pagkamatay at pagkawala ng ilang alagang hayop.

Mahigit 100 barangay at halos 200,000 indibidwal ang apektado, habang mahigit 4,000 residente na ang inilikas.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ang malakas na ash emission noong Sabado ay dulot ng pagguho ng hindi matatag na lava flows mula sa summit at upper slopes ng bulkan na nagdulot ng pyroclastic density currents (PDCs).

Patuloy ding naitatala ang lava effusion sa tatlong pangunahing daluyan: Basud (3.8 km), Bonga (3.2 km), at Mi-isi (1.6 km). Na-monitor din ang limang volcanic earthquakes, 411 rockfall events, at apat na PDC signals, kasama ang sulfur dioxide emission na umabot sa 1,829 tonelada kada araw.

Binigyang-diin ng PHIVOLCS na mananatiling mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong PDZ dahil sa banta ng biglaang mapanganib na aktibidad, kabilang ang lava flows, ballistic fragments, pyroclastic currents, at posibleng lahar kapag may malakas na ulan.

Kasabay nito, nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng agarang pagpapadala ng tulong sa mga apektadong komunidad, habang mahigit 300,000 food at non-food items na ang naka-preposition sa Bicol Region, ayon sa Department of Social Welfare and Development.

Sinuspinde rin ang klase sa ilang lugar ngayong Mayo 4 dahil sa patuloy na epekto ng ashfall habang nagpapatuloy ang monitoring at clearing operations ng mga awtoridad.

Advertisement