Bahagyang lumakas ang piso kontra US dollar nitong Miyerkules, matapos ang mga ulat ng posibleng pagluwag ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, bagama’t nananatili pa rin ito sa P61 level.
Umangat ng 24.5 sentimo ang piso upang magsara sa P61.305:$1 mula sa P61.55:$1 noong Martes, ayon sa datos ng merkado.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort, ang paglakas ng piso ay bunsod ng pahayag ni US President Donald Trump na may “great progress” sa usapang pangkapayapaan para tapusin ang tensyon sa Iran.
Dagdag pa niya, nakatulong din ang pahayag ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na umuusad ang negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ipinunto rin ni Ricafort na posibleng suportahan pa ang piso ng inaasahang pagtaas ng remittances mula sa overseas Filipino workers (OFWs), lalo na sa pagbubukas ng bagong school year kung kailan mas maraming conversion ng dolyar papuntang piso para sa matrikula at gastusin.
Ayon naman sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) senior research fellow John Paolo Rivera, ang kasalukuyang pressure sa piso ay hindi lamang lokal na isyu kundi bahagi ng mas malawak na global trend sa emerging markets.
Aniya, patuloy na tumatangkilik ang mga investors sa US dollar bilang “safe haven” sa gitna ng geopolitical uncertainty, dahilan upang manatiling mahina ang ilang Asian currencies, kabilang ang piso.
Nauna nang umabot sa record intraday low ang piso sa P61.75:$1 noong Abril 30, habang nagrekord din ito ng panibagong closing low sa mga nakaraang araw bago ang bahagyang pag-angat nitong Miyerkules.














