Ipinahayag ni Senate Pro Tempore Panfilo Lacson ang suporta sa posibleng joint oil at gas exploration ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea, kasabay ng pagbibigay-diin sa mga benepisyong maaaring makuha ng bansa.

Ayon kay Lacson, mahalagang mapakinabangan ang likas-yaman sa nasabing lugar, ngunit dapat tiyakin na masusunod ang 60-40 foreign ownership provision sa ilalim ng 1987 Philippine Constitution.

Ipinaliwanag niya na maaaring pumasok ang estado sa co-production, joint venture, o production-sharing agreements, basta’t mananatiling 60 porsyento ang pagmamay-ari ng mga Pilipino.

Dagdag pa ng senador, kung papayag ang China sa ganitong kasunduan, maituturing itong pagkilala sa soberanya ng Pilipinas sa nasabing teritoryo.

Advertisement

Samantala, sinabi ng Chinese Embassy na may “positive progress” sa usapan ng dalawang bansa at bukas ang China sa pagpapatuloy ng dialogue kung may “sincerity” ang panig ng Pilipinas.

Sa kabilang banda, nagbabala si Antonio Carpio na maaaring maging “trap” ang joint development, dahil posibleng ituring ng China na kanila ang likas-yaman sa mga pinagtatalunang karagatan.

Ayon naman sa Department of Energy, tinatayang may mahigit 6 milyong barrels ng langis at higit 7 bilyong cubic feet ng natural gas sa West Philippine Sea, kabilang ang Recto Bank na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Binigyang-diin din na bagamat mayaman sa likas-yaman ang lugar, kinakailangan ng bansa ng sapat na teknolohiya at pondo para sa malawakang eksplorasyon—isang kakayahang mayroon ang China.

Advertisement