Nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa Washington, D.C. sa pamahalaan ng Estados Unidos kasunod ng ulat tungkol sa posibleng pag-atake ng Iran sa ilang target sa California.
Kinumpirma ito ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, na nagsabing nakikipag-ugnayan sila sa US government upang mabantayan ang sitwasyon.
Ginawa ng ambassador ang pahayag matapos ang ulat ng international media na nagsasabing may posibilidad ng surprise attack mula sa Iran laban sa hindi tinukoy na mga target sa California sakaling magsagawa ng military strikes ang Estados Unidos laban sa Iran.
Batay sa ulat, sinabi umano ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa isang report noong Pebrero 2026 na may ganitong plano ang Iran kung lalala ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Noong Miyerkules, nagbabala rin ang FBI sa mga pulis sa California kaugnay sa posibleng mga pag-atake.
Samantala, ayon sa Los Angeles County Sheriff’s Department, naka-heightened alert na ang kanilang mga tauhan mula nang sumiklab ang kaguluhan sa Gitnang Silangan.














