Naglabas ang Philippine Navy ng primer na naglalaman ng opisyal na lokal at Chinese na pangalan ng 131 tampok sa Kalayaan Island Group, bilang bahagi ng hakbang ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa ilalim ng Executive Order No. 111 na inilabas noong Marso 26, inatasan ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na gumawa ng updated charts at maps na magpapakita ng mga opisyal na pangalan. Layunin nitong ipakita at palakasin ang kontrol ng Pilipinas sa Palawan at karatig katubigan.
Kabilang sa mga tampok na okupado ng Pilipinas ang Rizal Reef (Siling Jiao), Ayungin Shoal (Ren’ai Jiao), at Pag-asa Island (Zhongye Dao). Tinukoy din sa primer ang mga tampok na okupado ng China gaya ng Calderon Reef (Huayang Jiao), Kagitingan Reef (Yongshu Jiao), Panganiban Reef (Meiji Jiao), at Zamora Reef (Zhubi Jiao), pati na rin ang pangunahing pinag-aagawang Bajo de Masinloc (Panatag Shoal o Huangyan Dao). Nasa talaan din ang ilang tampok na inokupahan ng Vietnam, Malaysia, at Taiwan.
Patuloy ang tensyon sa lugar habang inaangkin ng Beijing ang halos kabuuan ng South China Sea, isang rutang dinaraanan ng mahigit $3 trilyong shipborne trade taun-taon. Noong 2016, idineklara ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na “no legal basis” ang nine-dash line ng China, desisyong hindi pa rin kinikilala ng Beijing.














