Bumagsak sa panibagong all-time low ang halaga ng Philippine peso sa trading ngayong Martes, halos sumadsad sa P61 kada US dollar dahil sa patuloy na global uncertainty bunsod ng digmaan sa Middle East.
Umabot sa intraday low na P60.97 kontra dolyar ang piso matapos magbukas sa P60.8, mas mababa kumpara sa naunang pagsasara na P60.71 noong Lunes.
Ayon sa Rizal Commercial Banking Corp. chief economist na si Michael Ricafort, ang paghina ng piso ay dulot ng kawalan ng progreso sa negosasyon ng US at Iran sa loob ng mahigit dalawang linggo at ang patuloy na pagsasara ng Strait of Hormuz na nakaaapekto sa suplay ng langis at liquefied natural gas (LNG) sa pandaigdigang merkado.
Binanggit din niya ang “local political noise” na maaaring makaapekto sa pagpasa ng mga repormang batas na may kinalaman sa pamamahala, fiscal management, at pangkalahatang ekonomiya ng bansa.
Patuloy na mino-monitor ng mga ekonomista ang galaw ng piso habang nananatiling sensitibo ito sa mga pandaigdigang tensyon at lokal na political developments.














