Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mananatiling ligtas ang pagdaan ng mga Philippine-flagged vessels sa Strait of Hormuz sa kabila ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, nananatiling umiiral ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Iran na nagpapahintulot sa ligtas at walang sagabal na pagdaan ng mga barkong Pilipino, kabilang ang mga seafarers at shipment ng langis.

Ito ay kasunod ng banta ni Donald Trump na magpatupad ng blockade sa Strait of Hormuz matapos ang hindi matagumpay na peace talks, na nagpalala sa tensyon sa rehiyon.

Kinumpirma rin ng DFA na kamakailan lamang ay tiniyak ng Iran ang ligtas na pagdaan ng ilang Philippine vessels sa naturang ruta.

Advertisement

Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang oil shipping routes sa mundo, kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng global oil supply.

Dahil sa umiigting na sitwasyon sa Middle East, tumaas ang presyo ng langis sa mga nakaraang linggo. Gayunpaman, inanunsyo ng Malacañang ang rollback sa presyo ng petrolyo simula Martes, Abril 14, kabilang ang pagbaba ng diesel, gasolina, at kerosene.

Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino seafarers at ang tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya sa bansa.

Advertisement