Photo © web

Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y human trafficking scheme na ginagamit para mag-recruit ng mga Pilipino na kalauna’y napipilitang sumabak sa foreign military service sa ibang bansa.

Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr, nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at foreign counterparts upang masuri ang detalye ng ulat at matukoy ang mga nasa likod ng sindikato.

“We are looking into the details of this report to come up with the best strategies in protecting our kababayan…,” ani Nartatez, sabay paalala sa publiko na maging maingat sa mga alok ng trabaho abroad.

Batay sa ulat sa mga awtoridad, ang mga biktima ay unang nire-recruit para sa mukhang lehitimong overseas employment, ngunit kalaunan ay binabago umano ang kanilang kontrata at pinipilit na sumapi sa mga foreign military forces.

Advertisement

Ayon sa PNP, unang ibinunyag ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang modus, na nagresulta sa mas pinalawak na koordinasyon ng mga law enforcement agencies para matukoy at masugpo ang sindikato.

Kasabay nito, nananawagan ang PNP sa mga jobseeker na maging mapanuri at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay ng illegal recruitment o trafficking.

Nauna nang naiulat ang ilang insidente ng mga Pilipinong nasangkot sa foreign armed conflicts, kabilang ang mga nagkaroon ng status bilang prisoners of war sa Ukraine habang umano’y nakikipaglaban para sa ibang bansa.

Advertisement