Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na mahuhuli rin ng mga awtoridad ang negosyanteng si Atong Ang at dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na kapwa nahaharap sa magkakahiwalay na high-profile cases.

Ayon kay PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr., tuloy-tuloy ang operasyon ng pulisya sa pamamagitan ng mga nakalatag na plano at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang matunton ang kinaroroonan ng dalawa.

Si Ang ay nahaharap sa mga kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero. Noong Abril, naglabas din ng Interpol red notice laban sa kanya, at may ulat na namataan siya sa Calabarzon. May patong ding P20 milyon na pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon sa kanyang kinaroroonan.

Samantala, si Co naman ay may warrant of arrest kaugnay ng kasong graft at malversation na isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan dahil sa umano’y maanomalyang P289-milyong flood control project sa Oriental Mindoro, kasama ang 17 iba pa na kinabibilangan ng ilang opisyal ng DPWH at mga direktor ng Sunwest Corp.

Advertisement

Itinanggi ng dalawa ang mga paratang laban sa kanila.

Matatandaan na noong Abril 16, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naaresto si Co sa Prague matapos umanong harangin sa German border, ngunit kalaunan ay nilinaw ng Department of Justice na wala na siya sa kustodiya ng Czech authorities. Ayon sa mga ulat, huling namataan si Co sa France noong Mayo 1.

Advertisement