Malaki ang posibilidad na bumisita si Pope Leo sa Argentina sa darating na Nobyembre bilang bahagi ng nakatakda nitong paglalakbay sa South America.
Ito ang inihayag ni Argentine President Javier Milei sa panayam sa local radio station na Radio Mitre nitong Martes.
Ayon kay Milei, “very likely” umano ang pagbisita ng Santo Papa sa Argentina sa Nobyembre, bagamat wala pang inilalabas na opisyal na kumpletong iskedyul ang Vatican.
Nakatakda ring bumisita si Pope Leo sa Uruguay bilang bahagi ng mas malawak nitong pag-iikot sa southern Latin America.
Batay sa naunang inanunsyong plano noong Pebrero, inaasahang kabilang din sa kanyang biyahe ang Peru at Argentina.
Sa ngayon, wala pang karagdagang detalye hinggil sa eksaktong petsa at mga aktibidad ng Santo Papa sa naturang pagbisita.














