Posibleng muling magtaas ng presyo ang mga produktong petrolyo kabilang ang diesel at gasolina sa susunod na linggo dahil sa mataas na presyo ng krudo at tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Batay sa pagtataya ng isang oil industry source, maaaring madagdagan ng P2.00 hanggang P2.50 kada litro ang presyo ng diesel.
Posible rin umanong tumaas ng P0.75 hanggang P1.25 kada litro ang presyo ng gasolina.
Samantala, inaasahang bababa naman ang presyo ng kerosene ng hanggang P13.30 kada litro.
Ayon sa source, nananatiling mataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado dahil sa lumalalang geopolitical tensions sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa suplay ng langis.
Dagdag pa rito, suportado rin ng kakulangan sa supply at pagbaba ng refinery output sa ilang bansa ang pagtaas ng presyo ng gasolina.
Dahil umano sa limitadong suplay ng krudo mula sa Gitnang Silangan, napipilitan ang ilang refinery sa Asya na gumamit ng mas mababang klase ng crude oil na hindi akma sa kanilang mga pasilidad.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad ito kinabukasan o tuwing Martes.
Noong nakaraang linggo, nagpatupad ang mga oil company ng pagtaas sa presyo ng gasolina habang malaki naman ang ibinaba sa presyo ng diesel at kerosene.













