Bumagsak ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado matapos ianunsyo ng Iran na “completely open” na ang Strait of Hormuz para sa mga commercial ships na dumaraan dito.

Ayon sa mga ulat, bumaba sa humigit-kumulang $88 kada bariles ang Brent crude mula sa mahigit $98 nitong Sabado (araw sa Pilipinas).

Ang Strait of Hormuz ay isang mahalagang ruta na dinaraanan ng halos 20% ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas, kaya’t malaki ang epekto nito sa galaw ng presyo sa merkado.

Sinabi ni Abbas Araghchi na maaaring makadaan ang lahat ng commercial vessels habang umiiral ang ceasefire sa rehiyon.

Advertisement

Dahil dito, nagkaroon din ng pag-angat sa mga stock market sa United States at Europa, kung saan tumaas ang S&P 500, Nasdaq Composite, at Dow Jones Industrial Average ng higit 1%, habang ang DAX sa Germany at CAC 40 sa France ay umangat ng higit 2%.

Matatandaang sumipa ang presyo ng langis sa mga nakaraang linggo dahil sa tensyon sa pagitan ng Iran at Israel, kung saan lumagpas ito sa $100 kada bariles at minsang umabot sa higit $119.

Sa kabila nito, nananatiling maingat ang ilang shipping companies at sinabing maghihintay muna sila bago dumaan sa naturang ruta dahil sa mga isyu sa seguridad.

Samantala, iginiit ng ilang analyst na maaaring manatiling pabago-bago ang presyo ng langis hangga’t hindi pa ganap na nagiging matatag ang sitwasyon sa rehiyon.

Advertisement