Lumagpas sa $100 kada bariles ang presyo ng krudo sa unang pagkakataon sa mahigit tatlong taon, dahil sa epekto ng patuloy na digmaan sa Iran, na nakaapekto sa produksiyon at pagpapadala ng langis sa Gitnang Silangan.
Ayon sa ulat, ang presyo ng Brent crude, ang international benchmark, ay pumalo sa $107.97 matapos mag-resume ang trading sa Chicago Mercantile Exchange, tumaas ng 16.5% mula sa Biyernes na nagtakda sa presyong $92.69.
Ang huling beses na naitala ang krudo sa mahigit $100 kada bariles ay noong Hunyo 30, 2022 sa US ($105.76) at noong Hulyo 29, 2022 para sa Brent crude ($104 per barrel).
Simula nang isagawa ang joint attack ng Israel at United States sa Iran, naapektuhan ang financial markets, na nagdulot ng pangamba sa pagtaas ng inflation dahil sa mas mataas na energy costs, at posibleng humantong sa pagbaba ng consumer spending sa US, na pangunahing nagtutulak ng ekonomiya.
Inaasahang magpapatuloy ang volatility sa presyo habang nagpapatuloy ang market trading sa mga susunod na araw.











