Epektibo ngayong Martes, Mayo 26, 2026, ang panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na muling magpapabigat sa gastusin ng mga motorista at consumers.
Ayon sa Department of Energy (DOE), nadagdagan ng P1.96 kada litro ang presyo ng diesel, P1.60 naman sa gasolina, habang P1.45 kada litro ang itinaas sa kerosene.
Ipinaliwanag ng DOE na dulot ito ng mahigpit na supply sa global oil market. Posible rin umanong mailipat sa ibang rehiyon ang ilang supply mula sa Asya bunsod ng pagbawas ng produksyon sa Europa.
Noong nakaraang linggo, tumaas din ang presyo ng gasolina ng P1.21 kada litro at diesel ng P2.82, habang bumaba naman ng P2.11 kada litro ang kerosene.
Dahil sa magkakasunod na oil price adjustments, umabot na sa net increase na P48.12 kada litro ang gasolina mula simula ng taon, P44.84 naman sa diesel, at P39.05 sa kerosene.
Samantala, sinabi rin ng DOE na nasa 44.82 araw ang kabuuang fuel inventory ng bansa, bahagyang mababa kumpara sa 45.33 araw na naitala noong nakaraang linggo.














